top of page

KOLUM | Dinedmang Halalan

4 minutes ago
5 min read

Kristan Gile — "Alpas sa Tanikala"


Hindi lang partisipasyon ng mga PUPian ang malaking problema sa Student Council Elections. Isa sa mga hindi napag-uusapan ay ang uri ng pagkakandidato ng mga nais tumakbo sa  konseho.


Hayskul pa lamang ako, diring-diri na ako sa uri ng student elections na isinasagawa ng mga paaralan. Kopyang-kopya kasi ang mala-trapong formula ng eleksiyon ng bansa. Slogan. Catchy na pangalan ng partido. Campaign jingles. Mga tagline or catch line na kinakabit sa mga apelyido ng mga kandidato. Mga pudpud na plataporma na hindi naman din nagagawa kapag nanalo na. At ang sadsad na paggamit sa salitang “Hiraya” bilang campaign branding. Sa dalawang beses kong naging tserman ng mga Student Commission on Elections (COMELEC) sa primarya at sekondarya, hindi ko na mabilang kung ilang partido ang gumamit ng “Hiraya” o “Sinag.” Mahilig pa maghanap ng mga lumang Tagalog na salita pero ni-wala sa mga plataporma nila ang wika at kultura.


Ang layon sana ng mga eleksiyon sa mga paaralan ay hasain ang mga estudyante sa pagiging pinuno at sa pamumuno ng makabagong mundo. Kaya’t laking pagtataka ko kung bakit resiklo ng tradisiyonal na politika ang mga pinaggagagawa ng mga kandidatong tumatakbo sa mga pangmag-aaral na konseho. Lalo na ito ang mga parehong mga estudyanteng nagnanais din ng pagbabago sa uring politika mayroon tayo sa bansa.


Noong nakaraang Student Council Elections 2025, bahagi ng naging post-mortem analysis ng The Limestone Elections Coverage Team ang mababang voter turnout at ang maraming abstention. Sa Kolehiyo ng Edukasyon, ni-hindi umabot ng isang porsiyento ang mga nagsipagboto. Sa Sentral na Konseho, malayo pa naman sa kalahati. Ang hinuha, kulang sa partisipasyon ng mga estudyante. Marahil nauumay na sila sa mga pare-parehong mukha ng lider-estudyante at partido. Sa sinulat ko pa ngang kolum noon, ang argumento ko ay kailangan ng mga PUPian ng alternatibo. Sa madaling sabi, ibang mukha na tatakbo. Ibang dugo ng lider-estudyante. Ibang partido o koalisyon na pagpipilian.


Tumama ang hula ko. Dumami na nga ang partido at koalisyon. Ang noong walang tumatakbo sa Kolehiyo ng Edukasyon, ngayon naglalaban na sa mga puwesto. Pero, wala pa rin namang gaanong bagong mukha. Kahit papaano, may pagpipilian pa rin. Ganoon rin sa Sentral na Konseho ng mga Mag-aaral. “Makulay” raw ang eleksiyon dahil mula sa iba't ibang partido at koalisyon galing. Hindi lang din ako masyadong sigurado kung maganda ngang ihalintulad natin sa “kulay” ang politika sa ating kampus. Lalo pa’t lumang-luma na ang “kulay” bilang sistemang pampolitika.


Nagsimula na ang kampanya. Naoobserbahan na natin ang mga kandidatong nangangakong maglingkod. At sa mga pagninilay ko, mali ang naging analisis ko sa dating artikulo hinggil sa eleksiyon. Ngayon, hindi na dapat tayo makontento sa pagkakaroon lang ng alternatibo o mga bagong mukha. Bagkus sa kung anong uring alternatibo ang maari nilang maibigay.


Sa kabilang banda, bilang mga Iskolar ng Bayan, hindi lamang natin dapat iasa sa mga tumatakbong kandidato ang mga isyu at kalagayan ng ating pamantasan. Nakababahala pa rin ang kawalang pakialam ng nakararami sa atin pagdating sa mga bagay na may kinalaman sa representasyon ng mga mag-aaral. Napakahalaga ng mga konseho at ang koneksiyon nito sa mga mag-aaral na nirerepresenta. Marahil may dahilan ang kawalang kimi sa mga tumatakbo o ang pagkawala ng interes dahil sa mga masasalimuot na nangyayari sa pamantasan, gaya ng mababang badyet at ang higit apat na taon ng tenggang North Building. Ngunit ito rin ang mga parehong dahilan upang mas maging bukas pa tayo at aktibong makilahok sa mga panawagan. Mahalagang instrumento ang mga konseho upang maipadaan ang mga pagbabagong nais natin.


Kaya sa mga kumakandidato, malaki ang hamong sumasambulat sa inyo. Kayo ang magiging lunsaran at instrumento ng mga panawagan at ambisyong pagbabago ng pamantasan at ng mga Iskolar ng Bayan. Hindi sapat na may mga kulay o partido. Hindi rin sapat na manatili ang mga adhikain ninyo sa papel lamang. Mas hinihingi ang mas lapat ninyong pagkakandidato sa danas ng mga kapwa ninyo Iskolar. Hindi para magbanggan ng ideolohiya o pagkakaiba ng paniniwala, bagkus upang makabuo ng koneksiyon na magreresulta sa matibay na pundasyon ng sangkaestudyantehan ng pamantasan.


Lahat naman sa inyo, magsasabi na mukha kayo ng progresismo. Lahat sa mga kumakandidato, iiwasan ang magkamali upang hindi makabawas ng tagasuporta. Lahat sa kanila, magsasambit ng mga hindi “cancellable” na pahayag para makahamig ng boto. Magsasabi na ganito na ang aming “partido” na matagal na nilang ipinaglalaban ang mga Iskolar ng Bayan, sabay lista ng mga “green flags” nilang mapang-akit. 


Dito naman mapupunta ang hamon sa mga Iskolar na boboto. Tumingin alpas sa mga nakikita sa resumè o curriculum vitae ng mga kakandidato. Tumingin alpas sa partidong kinabibilangan. May iba riyan, biglang lumalabas lang sa eleksiyon at tatakbo sa ilalim ng progresibong grupo para madala ang pangalan. Ang matibay na lente na dapat gamitin ay ang tanong na: Nararamdaman ko bang nire-representa ako ng kandidatong ito? Kung hindi, bakit? Kung oo, bakit din? 


Sa katunayan, hirap ang The Limestone hagilapin ang mga kandidato para sa mga press-related na gawain ng eleksiyon. Makikita naman sa mga nagdaang posts ang mga delay, kulang na impormasyon, ilang ulit na extension at follow-up sa mga tumatakbo. Nauunawaan ng press na mga estudyante rin ang kandidato. Ngunit habang naghihintay ang publikasyon, kapansin-pansing aktibo naman ang mga kandidato sa kani-kanilang mga pakulo. May mga kandidatong hindi higit na nauunawaang sila ay interes na ng publiko, interes na ng mga Iskolar. Sila mismo ang gumagamit ng burukrasyang kinamumuhian nila. Mas tutok sila sa kani-kanilang public relations pages kaysa tumugon sa mga tanong at diskursong binabato ng media. Kung ganito na sila kailap sa mga pahayagan, paano pa sa mga estudyanteng pinapangakuan nilang paglilingkuran?


Madaling madala sa mga makikinang na slogan at propaganda. Nakakahumaling ang mga pampatawang reels, at mga mala-Vogue na headshots ng mga magsisipagtakbo. Pero, hindi nasusukat ang pagkandidato sa mga TikTok videos, pang-Cinemalayang photoshoots, halos kasinglaking bond paper na name tags, at iba pang pakulo ng mga kandidato para humamig ng boto.


Ang pagkandidato nila ay sana masukat sa kakusaang loob nilang makipagkonekta sa mga nagtatanong ng mga mahahalagang punto at kritikal silang nililitis. Gayon din ang mga PUPian na idinadaan sa freedom walls o posts sa Reddit ang mga hinaing dahil sa limitadong diskurso ng kanilang saloobin at kawalang koneksiyon ng mga iluluklok nilang lider.


Paano haharapin ng mga lider na ito ang administrasyon upang masiguradong mauuna ang interes ng mga estudyante? Handa ba silang makipagdayalogo sa mga hindi nila kapartido at hindi parehas ng ideolohiya? Kaya ba nilang harapin ang mga kritisismo, o kapag nakatanggap man sila, magtatago sa mga kredensiyal ng na “pinanday” nila nang “mahabang panahon?” Paano sila magtrabaho kasama ang mga demokratikong institusyon sa pamantasan, gaya ng Student Council Commission on Audit (SC-COA) at mga student media presses? Ito ang mga mahalagang tanong na sana harapin nila kaysa sa mga slogan at PR productions na pinaglalaanan nila ng malaking oras.


Hihiram ako kay Mahatma Gandhi ng mga salita, “Ang nais na pagbabago sa mundo’y nagsisimula sa sarili.” Kung gusto nating umalpas sa makalumang pamumuno at tradisyonal na politika, narito ang pamantasan upang maging laboratoryo ng mga Iskolar na naghahangad ng pagbabago. 


Ang Student Council Elections ay hindi popularity contest. Isa itong malaking pagtatangka ng sangkaestudyantehan upang isulong ang makabago’t epektibong sistema’t institusyon na maglilingkod ng tunay at totoo sa pamantasan at bayan.



Comments


bottom of page