KOLUM | “Political Dynasty” nga ba?

Kristan Gile — “Alpas sa Tanikala”
Tumawag ng pansin ang post sa Facebook group ng “PUP FRESHMEN GROUP BATCH 2025–2026 (OFFICIAL)” ng isang account sa pangalang “Lyzza Shane Delgado.” Pinuna kasi nito ang sabay na pagtakbo ng magkapatid na sina Sunora Buleg at Suharto Buleg Jr. sa Student Council Elections 2026. Sa inilabas na listahan ng mga opisyal na kandidato, parehong tumatakbo sa pagkapangulo ang magkapatid—ang una sa Sentral na Konseho ng mga Mag-aaral (SKM) at ang huli sa Konseho ng College of Accountancy (CoA). Parehong bahagi ang magkapatid ng partido ng Polytechnic University of the Philippines Sandigan ng Mag-aaral para sa Sambayanan (PUP SAMASA)—ang dominanteng political party sa pamantasan.
Umani ng daan-daang reaksiyon at komento ang post ni “Delgado.” Nang tingnan ko rin ang account nito, locked at walang profile picture kundi ang mukha ni Ayn Rand na isang sikat na Russian philosopher. Mas mainam sana kung tunay na mukha ang ginamit ni “Delgado” upang hindi mapagbintangang troll at makapagtataas sana ng kredibilidad niya sa kaniyang mga argumento.
Una, hatala sa poster na artificial intelligence (AI) generated ito. Nakapatong ang mukha ni Buleg Jr. sa katawan ni Allan Peter Cayetano. Habang ang kaniyang ate naman ay isiningit sa likod nito. Itinanggi naman ng nag-post na AI ang kaniyang grapiks. Parody ito ng larawan ng magkapatid na Cayetano noong nagkaroon ng barilan sa Senado nang nagdaang Mayo. Ani “Delgado”, “PUP IS UNDER ATTACK!” dahil political dynasty na raw ang dalawang magkapatid na Buleg. Sinabi niya ring “The hypocrisy is hypocrisy-ing.” dahil kilala ang PUP SAMASA bilang oposisyon ng political dynasty.
Anuman ang opinyon ni “Delgado” at kung troll man ito o gumagamit ng AI bilang black propaganda o ragebait, hindi ito ang importante. Mas mahalaga ang maitaas natin ang diskurso sa politika na hindi nalulubog sa bangayan ng dalawang panig.
Tama lamang na mapansin natin ang dalawang magkapatid na tumatakbo sa Sentral at Lokal na konseho. Kahit ako, nang makita ko sa listahan ang dalawang apelyido, nagtaka at nagtanong ako—bilang isang taong nag-iingat lang din makakita ng pag-usbong ng mga monopolya sa puwesto. Sa ibang mga artikulo ko, naisama ko sa diskurso ang pagiging dominante ng PUP SAMASA bilang political party at ang pangangailangan ng alternatibo. Ngayon, nakikita natin sa mga lumalabas na mga kandidato na nagmumula na sila sa iba’t ibang partido. Sa bansang pinamumugaran ng political dynasties, mabuti na maging alerto tayo sa mga may mga magkakaparehong pangalan sa balota, kahit pa ito sa Lokal at Sentral na konseho ng ating pamantasan.
Ngunit, mahalagang hindi tayo magpadalos-dalos sa ating panghuhusga. Overstretched ang paratang ni “Delgado.” Kaya ang mahalagang tanong, political dynasty na nga ba ang magkapatid na Buleg?
Malayo. Lalo na kung ikukumpara mo ito sa dalawang magkapatid na Cayetano na halata namang mas may makinarya, mas may pera, at mas may impluwensiya sa boto ng mga tao ng mga hawak nilang balwarte. Sa kasalukuyan, kinukuwestiyon ang Cayetano sa mga flood control projects nila sa Taguig. Ang dalawang magkapatid na Buleg, batay na rin sa mga testimonya ng mga nakasama nila na nagtanggol sa kanila, ay wala naman gaanong impluwensiya o malaking kayamanan para maging ganap na dinastiya.
Ani ni John Joshua Evangelista sa comment section, “PROGRESIBO. AKTIBISTA. LIDER-ESTUDYANTE. PAREHONG PUPSHS GRADUATE.” Binanggit din ni Andrei Clemente na nakasama niya ang magkapatid “sa puspusang pagpapakat, pagbungkal ng lupa kasama ang mga magsasaka,” at nakita niya, “kung paano sila makipagdialogue [sic] sa admins…” Dagdag ni CJ Diaz, “I personally know Sunora and Suharto, and they come from the lower petit bourgeoisie. We cannot simply claim that they are part of the 1% who monopolize the politics and economy of our country.” At iba pang komentong nagsasabing malayong-malayo ang magkapatid sa karaniwang kahulugan ng political dynasty.
Sa depinisyon ng Ateneo School of Government (ASOG), ang political dynasty ay “isang makapangyarihang pamilyang may kontrol sa pulitika sa pamamagitan ng pananatili sa pwesto nang sunod-sunod na henerasyon.” Dito pa lamang laglag na ang magkapatid na Buleg sa kategorya. Ngunit kung sakaling manalo silang dalawa at sabay na maglingkod maaring pumasok, kung pagbabatayan sa bilang, sa kategorya ng “fat” dynasty na ang ibig sabihin na dalawa o higit pa na “sabay-sabay na nanunungkulan ang mga magkakamag-anak.” Ngunit, muli, malayo kung kulang naman sa impluwensiya ang apelyido na “Buleg” sa politika. Depende na lamang kung may mag-a-argumento at magpapatunay na may sistematikong makinarya ang pamilya ng magkapatid para manalo at manatili sa puwesto. Hanggang walang kongkretong ebidensiya, hindi politikal na dinastiya ang mga Buleg. Paano kung ang partido ang may makinarya at impluwensiya? Ibang usapan ito.
Sa kabilang banda, may “anti-dynasty” provision sa Republic Act (RA) 10742 o Sangguniang Kabataan Reform Act of 2015. Isang SK official ang nadiskuwalipikado ng Commission on Elections (COMELEC) noong 2023 dahil sa paglabag sa “anti-dynasty” provision at pag-falsify ng rekord upang itago ang relasyon niya sa kanyang ina na bahagi ng Sangguniang Barangay. Sa ika-10 seksiyon ng batas, pinagbabawalan ang pagtakbo ng kandidato na may kamag-anak na kasalukuyang nanunungkulan na sakop hanggang “second civil degree of consanguinity or affinity.” Ibig sabihin, hindi maaring tumakbo ang isa kung nasa puwesto ang kanilang magulang, anak, kapatid, at ang mga “in-laws” nito kung kasal man. Maganda itong panimula sa hangarin na matigil na ang political dynasty sa bansa. Kung kaya ito ng SK, bakit wala sa mga student councils? Sa isang senate committee hearing noong 2019, binigyang papuri ng ASOG ang SK Reform Law na naglatag ng “anti-dynasty” provision. Kung ito raw ay maisasakatuparan sa buong sistemang pampolitikal, halos 25% ang mabubuksan na puwesto para sa ibang kakandidato.
Kahit man malayo ito sa kaso nina Buleg—kung pagbabatayan sa konteksto—mahalaga pa rin na gumawa ng opisyal na probisyon ang PUP Comission on Elections (PUP COMELEC) hinggil sa mga pagkakataon na may mga magkakapatid o magkakamag-anak na tumatakbo sa posisyon, mapa-Sentral man o Lokal. Mainam na gamitin natin ang kaso ng magkapatid na Buleg upang tingnan nang mabuti kung papaano natin bibigyang kahulugan ang political dynasty sa ating pamantasan at kung ano ang ating gagawin upang pagbawalan ang monopolya sa kapangyarihan at puwesto.
Kung sakali man manalo ang magkapatid na Buleg, nariyan pa rin ang tiyansa ng conflict of interest kahit pa sabihin natin na may track record at credentials silang ipapakita. Sa peryodismo, ingat na ingat ang mga mamamahayag sa conflict of interest. Kahit “malinis” ang intensiyon pero kung may kaugnayan at may posibilidad na makompromiso ang integridad, lumalayo na ng kusa ang alagad ng midya. Pagsubok ito ngayon sa magkapatid. Higit pa sa kung anong track record ang hihingiin natin sa kanila. Dapat masiguro natin at bantayan ang posibilidad ng conflict of interest, hindi lamang sa mga magkakapatid bagkus pati sa mga magkakapartido.
Kung isinisigaw natin ang pagtutol laban sa politikal na dinastiya, gumawa tayo ng malinaw na probisyon, panuntunan, at batas hinggil dito. Hindi dapat maiuwi ang kaso ng magkapatid na Buleg sa isang simpleng bangayan lamang sa social media.
Link ng Post: https://tinyurl.com/y58y2dur
Link ng Screenshot (kung sakaling mabura/mawala ang post): https://tinyurl.com/2jtxscye
Tala ng Patnugot: Bukas ang publikasyong The Limestone sa anumang kuro-kuro at pahayag ng mga mambabasa lalo na sa mga taong sentro ng isyu. Hinihikayat ng publikasyon ang makabuluhang diskurso sa comment section.
.png)




Comments