top of page
Copy of TEMPLATE FOR SHIRT, ID, LANYARD (6).png

Mula sa Pluma Hanggang Huni: Pagdiriwang sa Pagwawakas ng Buwan ng Kasaysayan

  • May 12
  • 2 min read

Isinulat nina Antonia Fe Dela Cruz at Vince Justin Cruz




Matagumpay na isinagawa ng PUP Social Studies Guild (PUP SSG) ang webinar na may temang “Mula sa Pluma Hanggang Huni: Mga Himig ng Kabataang Salinlahi” bilang pagdiriwang sa pagtatapos ng Buwan ng Kasaysayan noong Agosto 30, 2025, sa pamamagitan ng Facebook Live at Zoom. Pinangunahan nina Bb. Merellie Bautista at G. Kurt Andrie Morales bilang mga tagapagpadaloy ng programa.


Ipinakilala ni G. Jerson S. Esperanza ang pangunahing tagapagsalita na si Gng. Jenelyn R. Cabalagnan, guro mula sa Bagong Silang High School. Sa kanyang talakayan, binigyang-diin ni Gng. Cabalagnan ang tunay na kahulugan ng kasaysayan bilang “salaysay na may saysay.” Mula rito, itinampok niya ang mahalagang papel ng kabataan sa pagbubuo at pagpapatuloy ng kasaysayan.


Ibinahagi rin niya ang ilang likha ng kanyang mga mag-aaral na naglalarawan ng pananaw ng kabataan hinggil sa kanilang tungkulin sa iba’t ibang yugto ng panahon—mula sa nakaraan, hanggang sa kasalukuyan, at patungo sa hinaharap. Inilahad niya kung paanong ang malikhaing pagpapahayag sa pamamagitan ng sining at panitikan ay nagsisilbing salamin ng kamalayan at malasakit ng kabataan sa lipunan. Kasabay nito, binigyang-diin ang kahalagahan ng pagpapatibay sa kanilang gampanin bilang tagapagtaguyod ng ating kultura at kasaysayan.


Aniya, ang kabataan ang nagsisilbing sisidlan ng salinlahi, tagapagdala ng kultura, at tagapagpahalaga ng lipunan.


Sa pagtatapos ng kaniyang pagbabahagi, iniwan niya ang makabuluhang paalala: “Ang kasaysayan ay hindi lamang paalala—ito’y panata. At sa bawat letra ng inyong pluma, sa bawat huni ng inyong tinig, maisusulat ang panatang iyon para sa bayan.”


Sinundan naman ito ng isang masining na awitin, at pagtugtog ng gitara at piano na nagpamalas ng angking galing ng mga estudyante ng Araling Panlipunan kasama sina Bb. Stacey Kimberly Adriano, at G. Jaymz Rivera.


Pagkatapos ay iginawad naman ni G. Patrick Ser Jay M. Nonato ang mga sertipiko ng pagpapahalaga para sa kanilang mga tagapagsalita, tagapagsulit at mga huradong nagkaroon ng malaking parte ng pagdaos ng selebrayon ng Buwan ng Kasaysayan.


Dagdag pa rito, pinarangalan rin ng Sertipiko ng Pakikilahok ang lahat ng mga naglakas-loob sumali sa mga kompetisyon na idinaos noong buwan ng Agosto.


Si G. Alvin Bryan Barios naman ang nag-anunsyo ng pinakahihintay na listahan ng mga nagwagi sa mga patimpalak.


Mula sa Batsilyer ng Sekundaryang Edukasyon, Medyor sa Filipino 2-1 (BSED-FL), si Timothy Villafania ang itinanghal na kampeon sa Tagisan ng Talino sa Kasaysayan ng Bansa.


Pareho namang nagwagi ng kampeonato sina Michael Josh Lobrin, ng 1-1 at Sunshine Faith Nalayog, ng 4-1, parehas mula sa Batsilyer ng Sekundaryang Edukasyon, Medyor sa Araling Panlipunan para sa KaSSaysayan sa Pagsulat ng Sanaysay.


Ang mga kampeon ay makatatanggap ng perang papremyo, gintong medalya, at sertipiko. Samantala, sertipiko, pilak at tansong medalya naman ang makakamit ng mga nagwagi para sa ikalawa at ikatlong puwesto.


Nagtapos ang webinar at Buwan ng Kasaysayan kasama ang Ka-Tagapayo ng PUP SSG na si G. Joey Danting kung saan pinasalamatan at kinilala niya ang mga tao sa likod ng matagumpay na pagdaraos ng selebrasyon.

Comments


bottom of page