top of page
Copy of TEMPLATE FOR SHIRT, ID, LANYARD (6).png

LIWAYWAY – Tiyanak | Mati-Anak

  • May 12
  • 6 min read

Isinulat nina Reigne Margaret Bahia at Brianne Jhayvee Vallejos



Sa isang baryo, may dalawang kambal na hungkag ang ngiti—isang malambing at isang singlamig ng nyebe ang mga labi. Mayroon silang mga pangalan, si Mati na mahilig umawit, mababaw ang kaligayahan, at isang manliligaw, sabi nga ng mga kaibigan niya, magiging mayaman siya rito. At ang isa pa ay si Anak, tahimik, tantsado palagi ang mga salita, maingat, pero mabangis, at kung siya ay gagalitin, digmaan ang magiging sapit. Pareho nilang nilalakad ang kilometrong layo ng bawat kanto—humuhuni, nang-aakit, nagtatago sa mas malinis na balat, at saka mang-aararo… ng bangkay.


Ipinagdiriwang nila ang kanilang tagumpay sa pamamagitan ng pista. Araw-araw na ring sinisita ni Mati si Anak, dahil kahit man lang sa mga okasyon, e hindi makangiti, hayaan na raw ang nakaraan, huwag nang lumingon pa sa mga pagkaing napanis na, kaso lagi namang argumento ni Anak—wala siyang pakialam.


“Kaya lagi kang nagugulpi ng mga brads, e, miski ngiti hindi mo kayang gawin. Puwede… sa susunod, ikaw naman ang pumalit sa’kin?” tanong ni Mati. Ang tugon ni Anak? Nagdabog at umalis.


Nagbibingi-bingihan sa pagtawag sa kanya ng kanyang kambal.Simangot na ang naging ulam niya, at hindi ang mga nakahanda sa malawak na hapag. Maraming umiikot sa isip niya, mga katanungang kailangan niya ba talagang gawin ito—dahil bukod sa hindi niya naman gustong palaging nakakikita ng parehong karanasang sinapit nila, e, nakasasawa na.


Nang makakita siya ng isang masayang grupo ng tao, sariwa mula sa salo-salo, hinihinuha pa niya kung magkakaibigan lamang ito o isang pamilyang biniyayaan ng ligaya—ay sinimulan niyang pagmasdan—mula sa kilos, pagpadyak ng paa, sa kaluskos ng mga damit nila, at ang mga nakabibingi nilang tawa, at nang mapagtanto niyang sila ay iisa lang ang dugo’t ugat, nagsimula na siya sa pag-awit… awiting hikbi ang binibigkas at hipnotismong malumanay ang ritmo. Nangako siyang kaya niya mag-isa, siguro’y luluwa na ang kanyang sikmura, pero kailangan niyang patunayan na nakasasabay siya sa husay ni Mati, kaya’t sa paghuni niya, isang konotasyon ang pumalagi sa kanyang pang-aakit—lumingon ka sa akin at ako ay iyong iibigin.Huwag kang lilingon…


Subukan mo… Magsisisi ka…


Sa pagbago niya ng anyo, tiyak na nasa kadiliman ang kanyang pwesto, sumabay na ang agos ng kanyang nakahuhumaling na pag-iyak, at tulad ng bilis ng mga kamay ng orasan, agad na lumingon ang mga ito. Isang may kwintas sa leeg, mahahabang hikaw ang nakasabit sa dalawang tainga, at may kayumangging buhok ang inutusang lumapit—at sa anino ng mga iyak ni Anak ay siyang nakatago ang malawak at mapanibughong ngiti, dahil sa wakas, may bagong mawawalan ng ilaw ang mga mata tulad kung paanong sila ay ninakawan ng pag-asa.


Sa pagsilip ng isang babae, tumambad sa kanyang inosenteng giliw ang balangkas ni Anak, kinarga, nilapitan, pinatatahan… at sa muling paglingon nito sa kanyang pamilya, ang larawan ng lungkot at awa sa kanyang mukha ay napalitan ng takot at pangamba nang simulang kagatin nang agresibo ang leeg niya ni Anak habang ibinabalik ang dati niyang hugis—luwa ang mata, hindi pantay na binti, kumpol-kumpol na ngipin, mahahaba ang mga kuko, at may malaking ulo. Sa ilalim ng buwan ng mapanglaw na gabing iyon, isa lang ang nabalutan ng tuwa at sigla—si Anak na dali-daling umuwi sa baryo nang may hatid na balitang kinaya niya. Sinalaysay niya ang kanyang tagumpay, at sa unang beses, nasaksihan ang masaya niyang mga labi, at nakasisiguro si Mati na makasasabay na si Anak sa misyong pumatay ng mga inosente, at kitilin sa paraan na gusto nila—pagpapahirap, dahan-dahang pagkitil, o isahang padyak ng itak.


Sa pagsapit ng ilang gabi, binalot ng misteryo ang buong siyudad—iniimbestigahan ang mga nangyayaring pagpatay, tinuturo ang iba’t ibang mga pangalang wala namang kinalaman, pinapipila sa likod ng rehas ang binigyan ng hatol kahit walang sapat na ebidensya—habang ang mga salarin ay masigasig pa rin sa kanilang adhikain—matinik at anak-tuso.


“Hindi naman kasi nila tayo nakikita tuwing umaga, pero may kilala ako, Mati na kawangis natin na araw-araw nilang nakikita habang pumapatay ng ibang tao, magaling din manloko.” pangungusap ni Anak.


“Ha? Sino?” pagtataka ni Mati habang nagkakamot ng ulo.


“Ayun, o! Buwaya, marami ring ngipin, mabilis tumakbo, at isang lapit lang ng tao…” nilapit ni Anak ang mukha niya kay Mati at saka naglabas ng dila na tila’y pinatay.


“Ang bangis naman, hahaha. Pero alam mo, kumusta kaya yung sumaksak kay inay habang dinadala tayo ‘no?” muling tanong ni Mati.


“Hindi naman sinaksak si inay, kinain siya ng mga katulad niyan.” sagot naman ni Anak, nakanguso sa larawan ng buwaya.


Mati… Anak… Buhay o Patay?


Sa kailaliman ng gabi, umaalingawngaw ang pag-iyak ng isang sanggol sa gitna ng kagubatan. Ang sabi raw ng iba ay normal lang, marahil mula sa anak ng mag-asawa na nakatira sa gubat habang ang ilan ay nagsasabi na ito ay isang masamang elemento na may maamong ngiti at inosenteng mga mata, at kapag naakit at napalapit ka sa iyak na parang tawag ng ina—at kinarga mo ang sanggol—mababunyag ang tunay nitong anyo; na kalaunan ay maaaring kumitil ng buhay mo—kukuwestyonin mong tiyak nga ba ang pag-asa o iiyak ka? Lumakad sila, karga-karga ang bata, para lang tumambad sa isang salamin, dinidikta ng repleksyon na ang hawak-hawak nila ay ang kanilang bangkay, sumabay sa pagsundo sa ina marahil dahil hindi kaya ng tatlong bente ang ulam sa buong araw sa isang hapag. Nais nilang maghiganti pero kanino? Hindi nila mahanap ang salarin kung kaya’t sino-sino na lang ang pinaghahabol ng hininga tuwing buong bilog ang buwan at sa tuwing umaalingawngaw ang hawla ng mga lobo—walang sinisino.


Sinasabi rin ng ilan sa mga kaibigan ni Mati at ni Anak na sila ay mga guni-guni lamang na nanggaling sa isang doktrinang puno ng konserbatibong paniniwala—na iisa lang ang kanilang kaluluwa na tinatawag nilang tiyanak, mati bilang kahulugan ng patay at anak para sa organismong inabanduna’t pinatay. Tumutugma sa kanilang hitsura ang mga mukhang nagmimistulang maaamo, pero kapag hinubaran ay isang nilalang na nakatago lang sa makinis na maskara. Tulad ng pangungulila nila sa kanilang ina, sa likod ng kanilang nakasisinghap na kasaysayan ng karahasan—sila ay ang mga batang hindi pinaburan ng tadhana, pinagkaitan ng karapatan, at pilit na ibinababa ng lipunan na nais lamang maranasang mahagkan, mahele, mapasan, at mahalikan ng isang ina.


Dinagdag din ng kanilang mga kaibigan na ang mga tulad nila ay karaniwang talumpana ang mga mag-asawa na matagal nang hindi nabibiyayaan ng anak, o yaong mga taong lubos ang pagmamahal sa sanggol at pamilya, kaya sigurong labis ang tuwa ni Anak nang makitang bumabaha ng luha ang distrito noong isang gabi habang sinasayawan ang iyak at sigaw ng pamilya ng kinitil niyang babae. Sa oras na nasipsip na ni Anak ang dugo ng babae, wala ng katiyakan ang kanyang pag-asa kahit na magdasal pa sa kaitaas-taasan ang mga kamag-anak.


Huwag mo akong gambalain… Huwag mo akong linlangin…


Pero sabi ng magkakaibigan, kaya naman daw silang patumbahin, ngipin pa lang ng buwaya tulad ng nakita nilang larawan ay tiyak na mapalalayo na sila. Sa mga sumusuot ng mga masasangsang at matalas na kwintas ng bawang o buwaya ay simbolo ng proteksyon laban sa kanila, pero ang nakahihigit sa lahat ng kalaban nila ay ang… talino ng mga tao.


Huwag magpalilinlang.


Huwag magpaloloko.


Huwag magpakabayani.


Huwag magpagambala.


Huwag hayaang mapangunahan.


Sambahin… ang tanikala ng kasamaan.


Sa proseso ng pagbabalatkayo, higit na ang mga tulad ni Mati at Anak ang may mataas na talino. Sa kanilang mga diyalogo at estratehiya—madali nang manlinlang ng mga ignorante, ang pagkain na lang ang matrabaho, at ang paghanap sa susunod na ignorante ang mas sistematiko.


Tunay silang makapangyarihan, sila ay ssumasalamin sa paniniwala, takot, pananampalataya, at kalagayan ng isang pulo. Sabi nga ni Anak ay sila’y may kawangis.


Ito’y mga kunwari’y pilay kapag nabisto, sasambahin ang batas kahit manloloko, hihiga sa puting kama para magpanggap na nakakikita na ng mga sumusundo na anino, at higit sa lahat ng mga korona, papatungan ng buwis ng bayan ang batas, at sa paulit-ulit na sikulo, sila ay maaabswelto. Magaling sila maglaro ng patintero, tila mga batang bungisngis na ang linya ng mga taya ay ang saligang batas —walang sinisino, walang makukulong, dahil nakikita lamang sila ng tapat na katarungan kung may nakahandang ginto sa kamay.



Mati-Anak… Anak-Mati

“Ako si Mati,”

“At ako si Anak.”

“Hindi pa sapat ang tatlo, Anak.”

“Lima… o higit pa, o…”

“Walang bilang. Tama?”

“Oo. Walang bilang.”

“Halikan mo ako sa pisngi, Anak.”

“Magsasalo ba tayo, Hermano Mati?”

“Maaari.”

“Saan?”

“Diyan lang sa baryo kung saan madilim.”

“Marami-rami tayong aakitin, Mati.”

“Marami-rami. Pista na naman.”

“Pista na naman.”

“Papatay na naman.”

“Tulad lang natin, diba?”

“Mati.”

“Anak.”

“Patay…”

“na anak.”

Mati-Anak,

Tiyanak.


Comments


bottom of page