LIWAYWAY – Tiktik | Kaluskos sa Pagkagat ng Dilim
- May 12
- 4 min read
Isinulat ni Ma. Shayne Cuaresma at John Lester De Leon

Tik… tik… tik…
Tahimik at malalim na ang gabi. Sa malamig na simoy ng hangin ay nangagsayaw ang mga puno at kawayan. Ngunit sa mga oras na ang buong paligid ay nababalot ng tanging liwanag mula sa buwan, may isang tinig ang mangingibabaw at babasag sa tahimik na bayan.Sa ihip ng hangin, nagsasayaw ang mga puno at kawayan. Kahol mula sa mga aso, at huni ng mga kuliglig—mga tunog na nagbibigay buhay sa isang tahimik at madilim na gabi. Ngunit sa mga oras na ang buong paligid ay nababalot ng tanging liwanag mula sa buwan, may isang tinig ang mangingibabaw at babasag sa tahimik na bayan.
Tulong! Tulong! Nariyan na siya!
Sa likod ng mumunting huni ay umaalingawngaw ang lagim na nakakubli. Kung pakikinggang mabuti, ang tunog ay hindi nanggagaling sa orasan, hayop, o ordinaryong tao. Mula sa mapanglaw na liwanag na dala ng buwan, maaaninag ang isang nilalang na handang sumalakay. Isang nilalang na noon pa man ay kinatatakutan at pinangingilagan—ang Tiktik. Mahina at malumanay man ang pagtiktik nito, tiyak na takot at pangamba ang pagkakakilanlan sa kanya ng mga tao. Kung ang magnanakaw ay salapi ang habol, ang nilalang na ito ay buhay ang kukunin sapagkat hayok ito sa dugo’t laman ng sinumang kaawa-awang biktima pagkagat ng dilim.
Tik…tik…tik…. Ang mapanlinlang na huni
Ang ngalan ay hango sa tunog na kaniyang ginagawa, at kilala ang mga tiktik sa kanilang mapanlinlang na huni. Kapag malakas ang naririnig na tunog ay nangangahulugan itong ang tiktik ay nasa malayong dako. Ngunit sa oras na ito ay humina, maghanda ang lahat sapagkat nariyan na siya! Oras na para ikaw ay magdasal, at paligiran ang iyong sarili ng mga pangontra dito.
Tila ibon na anyo, sa layunin ay halimaw. Tiktik kung sila ay tawagin.
Batay sa paniniwala ng mga matatanda sa bandang Visayas, ang katakot-takot na nilalang ay isa sa uri ng aswang. Kawangis nito ang ibon dahil sa pakpak na mayroon sila sa likod. Ang mala-ibong halimaw na ito ay naglilibot sa gabi upang maghanap ng mabibiktima. Kumakain umano ito ng mga organo ng tao, ngunit mas lalong nakagagalak sa kanila na pagpiyestahan ang nabubuong sanggol o fetus sa loob ng sinapupunan ng mga ina.Bukod sa mga tunog na nagmumula mismo sa nilalang na ito, isa rin sa mga senyales na mayroong tiktik sa malapit ay ang mga hayop na tila hindi mapakali at natatakot sa nakikita nito, sapagkat bahagi ng ating paniniwala na sa mata ng hayop, ang kadiliman ay may anyo na tanging sila lamang ang may kakayahan na makakita, makarinig, o makaramdam. Kaya’t isang babala ang ingay ng ating mga alaga, lalo na kung hindi natin mawari ang dahilan ng kanilang pag-iingay.Ang buhay ng mga tiktik sa pagmulat ng liwayway ay nag-aanyong tao. Kagaya ng kanilang huni, mapanlinlang din ang kanilang pisikal na anyo at intensyon. Hindi mo alam kung ang kausap mo sa araw ay tao o tiktik na nag-aabang sa ’yo sa pagsapit ng dilim.
Dis-oras ng gabi
Para sa ating mga ordinaryong nilalang, hindi na bago ang kumain pa ng meryenda kahit dis-oras na ng gabi. Ngunit para sa mga tiktik, ito ay ang pagkakataon upang sila ay umatake. Ang mga nilalang na ito ay gumagamit ng mahahabang dila upang maabot ang tiyan ng inang napili nitong maging biktima, at saka nito sisimulang higupin ang dugo mula sa tiyan ng natutulog na biktima.Nakakapanindig-balahibong isipin na sa kahimbingan ng ating tulog ay may mga matang nakamasid sa siwang ng bubong at pader ng ating tahanan. Sa bawat pagtiktik ng nilalang na ito ay tila ba pinaliliit ang mundo ng kaniyang magiging biktima. Malingat lamang sa isang saglit ay magkakaroon na ng pagkakataon ang bantay-salakay para mapunan ang kanyang gutom, hamakin man ang buhay ng iba.
Paghahasik sa Modernong Panahon
Lumipas man ang maraming panahon, ang takot at paniniwala sa mga tiktik ay nananatili sa buhay ng mga Pilipino. Sapagkat nakaugat na ito sa ating kultura simula noong sinakop ng mga Kastila ang ating bansa. Gamit ang Kristiyanismo, ipinalaganap ng simbahan ang konsepto ng langit, impyerno, demonyo, at santo, kung saan ang mga kuwentong kababalaghan ay malaki ang ginampanan sa pagkontrol ng mga Kastila sa mga Pilipino. Ang takot na nagmumula sa mga tao ang siyang naging pundasyon para kontrolin ang lipunan at pagtuturo ng disiplina o relihiyosong pamumuhay para mapuksa ang mga nilalang na gaya ng tiktik.
Hindi man mapatunayan ng agham o teknolohiya ang katotohanan sa likod ng mga pakpak at nagngangalit na pangil ng mga tiktik, nananatiling mahalaga sa aspeto ng kultura at antropolohiya ang paniniwala ng Pilipino sa iba’t ibang uri ng nilalang na naghahasik ng lagim sa kanilang lalawigan. Iba-iba man ang paniniwalang mayroon ang bawat isa, iisa naman ang pagtingin sa mga tiktik—ito ay magsisilbing larawan ng takot na bumabalot sa bawat gabing darating.
Ngunit mas lalong nakapagbibigay ng takot ang panahon na tuluyan nang mawala sa ating kultura’t sistema ang mga pinagingilagang nilalang na nag-iwan ng mahalagang alaala ng nakaraan. Bagama’t marahas at madugo ang testimonya ng mga tao sa nasaksihang hiwaga’t lagim ng mga tiktik, hindi maikakailang ang pag-iral ng kuwentong-bayan ang lalong nagbigay buhay sa ating kultura at paniniwala bilang mga Pilipino.
Para sa isang inang nagdadalang-tao, kailan pa ito makararamdam ng kaginhawaan sa bawat pagkagat ng dilim? Bawat kaluskos, ingay, at tik-tik sa gabi, may ina na mataimtim na nagdarasal—na sana ay umabot sa pagbukadkad ng silahis. Tik… tik… tik… talasan ang pandinig, obserbahang mabuti ang paligid, at ihanda ang mga pangontra. Baka hindi iyan tunog ng orasan, kundi ang tunog ng lagim at kamatayan na dala ng tiktik.



Comments