top of page
Copy of TEMPLATE FOR SHIRT, ID, LANYARD (6).png

LIWAYWAY — Nuno sa Punso |Wala nang Punso si Nunò

  • May 12
  • 4 min read

Nina Jhay Ann F. Justiniane at Susa Incion



Hitik sa misteryo ang kalikasan. Tila duhat na namumukadkad ang mga kuwentong bumabalot dito. Hindi lamang mga halaman, puno, at hayop ang nabubuhay. May iba pang nananahan at umaaligid—nilalang na makapangyarihan. Nagbabantay. ㅤㅤㅤㅤ

Sa kailaliman ng mga paniniwalang ito, bantog ang mga nilalang na may kagila-gilalas na wangis—malalaki, maliliksi, matutulis ang dila, hayok sa laman, uhaw sa dugo—ngunit kaiba sa mga misteryosong likha na nagngangalit, ibaling mo ang tingin sa nilalang na ito. Maliit, hitsura ay normal, may mahabang balbas, at nakaupo’t waring namamahinga sa burol ng lupa na kaniyang itinuturing na tahanan.


Tabi, tabi po…ㅤㅤㅤㅤ


Matagal nang usap-usapan sa mga probinsya’t ibang lugar sa bansa ang kuwento tungkol sa mga nunò sa punso. Kapag pinag-aagawan na ng kalangitan ang liwanag at dilim, lumalabas sa mga bibig ng mga nakatatanda ang mga istorya nilang nagsisilbing panakot para sa mga paslit. Maliliit lamang sila ngunit makapangyarihan, nagiging gabay ng mga gabundok na suwerte para sa mga taong may punsó sa lupang kinatatayuan ng kanilang tahanan. Sinasabing laging may biyaya basta’t may alay na ibibigay. Panatilihing masaya ang nunò para maging maginhawa ang buhay. Káya raw nitong bigyan ng trabaho ang isang lalaking magbibigay ng alay, pagalingin ang isang batang makulit, o bigyan ng maayos na buhay ang babaeng naghihikahos. Ganoon tayo kaawa-awa…ㅤㅤㅤㅤ


Kung inaakalang biyaya lamang ang hatid ng maliliit na nilalang na ito, ang sabi ng ilan ay mapaghiganti ang mga nunò sa punso. Tumabi ka at magbigay ng respeto, sapagkat kung ang kanilang tirahan ay iyong magambala, tiyak ito ay may balik sa iyo. Pamamaga ng paa, pagsusuka ng dugo, at kung ano pang mga malulubhang karamdaman na tila walang makagagamot ang ibubudbod. Kung makaranas man ng ganti, huwag nang magpunta sa pagamutan—dalhin mo sa albularyo’t pahiran ng dilaw na langis, bigkasan ng hindi naiintindihang salita, at magpausok sa tahanan kapag ang kamay ng orasan ay tumuro na sa sais.


Tanikala ang mga paniniwala. ㅤㅤㅤ

Nabuhay tayong pinaninindigan na may suwerte at kamalasang dala ang mga nilalang na nilikha lamang ng ating isipan upang libangin at takutin ang mga tao. Isinalin natin ang kanilang istorya upang punan ang mga pagkukulang… Gaya ng mga nunò. Itinatak natin sa ating mga isipan na kaya may naghihirap, nagkakasakit, o nalulugmok dahil nakaapak ng punsó at may nabibiyaan dahil may naniniwala sa kaniyang mga kapangyarihan. Ngunit hindi dapat ganoon ang kuwento dahil tanikala ang mga paniniwala tungkol sa nunò. Salamin lamang ito kung paano natin isinasantabi ang mga nakikita nating mali. ㅤㅤㅤㅤ


Sa mga kuwentong ito tila nakabigkis ang pag-unlad at pagbagal ng usad. Ang katanungan: kailan nga ba mawawala ang pagkakagapos natin sa mga kuwentong bayan upang tuluyang makita ang mga kakulangan?


Kalapastanganan ang hindi makita ang mali,ㅤㅤㅤㅤ


Matagal na panahong nasakop ang Pilipinas at nang lumaya na ito tila nakakulong pa rin tayo—hindi pa rin nawawala ang mga konseptong nagtatangkal sa ating mga isipan.


Hindi natin tuluyang batid kung saan nga ba nanggaling ang mga paniniwala sa mga nunò. Ito nga ba ay panakot lamang, gabay para makakuha ng biyaya, o totoong sisidlan ng kamalasan? Dahil kung ililibot mo ang iyong tingin, ang dalumat ng suwerte ng mga nunò ay nakatali sa kaisipang hindi natin nakukuha ang sapat kaya umaasa tayo sa biyayang hindi mabigay ng sistema. ㅤㅤㅤㅤ


Sa loob ng mahabang panahon, ikinukubli ng ating bansa ang mga isyu sa balat ng mga kuwento at mito. Ipinalalabas na may mali sa balangkas dahil sa mga nilalang na hindi naman tunay na natutunghayan ng mata. Ipinahahayag na ang mga sakit ay gawa lamang ng mga nilalang na hindi nakikita. Pinamumukha nilang ang mga kamalasan ay kagagawan ng mga sumpa ng nunò, ngunit ang totoo’y ang bayan ang siyang gumagawa ng ikalulugmok nito. Sinasabing ang mga nilalang na tulad nila ang may mali, ngunit ang katotohanan na hindi natin matanggap: malaki ang nakikita nating kakulangan kaya’t patuloy pa rin nating ibinabaling ang galit sa ibang nilalang.


Hindi sila suwerte. Hindi sila malas. ㅤㅤ

ㅤㅤ

Ang tao ang siyang dapat na gumagawa ng sarili nilang suwerte at biyaya. Ang mga trabaho, pera, o kaginhawaan ng buhay ay hindi dapat inaasa sa mga nunòng naninirahan sa punsó. ㅤㅤㅤㅤ


Ngunit sino ba ang dapat nating sisihin? Kung patuloy na umiikot ang siklo ng lipunan sa pagkakakulong sa mga paniniwala, wala ring mangyayari. Kung hindi naman gumagawa ng hakbang ang mga nasa itaas upang makamit natin ang sariling bersiyon ng biyaya at ginhawa, magtutuloy-tuloy lamang tayo sa pamumuhay na iaasa sa mga mahika ang mga bagay na dapat nating natatamasa kaysa bumalikwas at igiit kung ano ang tama.


Hindi si Nunò ang problema—ang pinunó. ㅤㅤㅤㅤ


Ngayon, alam na natin kung bakit ginawa ang mga ganitong uri ng kuwentong bayan—upang mulatin ang ating isipan. Lumabas ka sa mga paniniwalang tila madilim na kagubatan, wala sa nunò ang suwerte at kamalasan… Ang mapait ngunit tunay na katotohanan ay nasa atin nang harapan; buháy na halimbawa ang paniniwala sa mga nunò sa punsó sa mga hakbangin natin upang takasan at humingi ng pangpunô sa kakulangan. ㅤㅤ

ㅤㅤ

Manatili nawang kuwentong bayan na lamang ang mga nunò, maging imahe sana ito ng kung paano ikinulong ang mga Pilipino sa rehas ng kahirapan, kawalan ng serbisyo, at patuloy na siklo ng kalapastanganan sa kapaligiran. ㅤ

ㅤㅤㅤ

Sa dulo, wala nang mas nakasusulasok pa sa mga dalumat na ginagawang panakip-butas lamang ang mga kuwento upang pagtakpan ang kamalian. Hindi malas o biyaya ang nunò. Dahil ang ang tunay na biyaya ay nasa mga panahong matatamasa na natin ang hustisya—hustisiya para sa bayan at kapaligiran. At ang totoong malas ay ang bayang may nakasusulasok na sistema at hangal na pinunó. ㅤㅤㅤㅤ


Comments


bottom of page