top of page
Copy of TEMPLATE FOR SHIRT, ID, LANYARD (6).png

LIWAYWAY – Manananggal | Si Manang na Natatanggal

  • May 12
  • 3 min read

Isinulat nina Joven Franca Almeria at John Kenneth Dapitan



Nagsilabasan sila at pumilit na bumalik sa langit. Hindi sila tinanggap at ang kanilang parusa ay manatili sa mundo. Mga immortal. Ipinagbawal sa kanila ang makita muli ang mukha ng Diyos. – Tiyanak, 2007 



At nanatili nga sila sa mundo ng mga tao, kasama ng mga mananampalataya ng mga parokya. Sa paghahari ng liwanag, gumagayak ang madla papunta sa misa. Matapos magsimba, bibili ng isang kilong karneng baboy at dugo nito. Putaheng Dinuguan ang ulam para sa araw ng Linggo. Katulad ng mga aswang sa lumang pelikula, may wangis din tayong waring mga manananggal—naglalaway sa presensiya ng laman at umuubos ng buhay.



Sa mga alamat ng ating bayan, ang manananggal ay isa sa pinakakilalang nilalang ng gabi—nilalang na hinahati ang sarili upang lumipad at manghuli ng laman ng tao. Subalit sa likod ng takot na dala ng kanyang imahe, may mas malalim na kwento na madalas ay hindi binibigyang-pansin: ang kanyang pagkakahati ay hindi lamang pisikal, kundi simboliko ng pagkakahating pinagdaraanan ng kababaihan sa lipunan.



Ipinako sila sa krus, tulad ni Hesus…



Maraming katanungan ang bumabagabag sa isip ng karamihan buhat ng kakulangan sa siyensya noong unang panahon: saan, paano, at bakit nagsisimula ang mga bagay-bagay tulad ng sakit, kalamidad, o mga kababalaghan. Mito o mga alamat ang mga naging sagot nila sa mga tanong na ito. Subalit, hindi maitatatwa na sa kabila ng indoktrinasyon ng mga Kastila sa Pilipinas, nanatili ang paniniwala sa mga maligno. Hindi basta maligno, dahil karamihan dito, katulad ng manananggal, ay mga babae.



Gutom din sila sa laman…



Maririnig mo silang lumilipad, maamoy mo ang masangsang na dugo. Kumakain ng laman-loob, o mismong bilig sa loob ng sinapupunan ng nagdadalang-tao. Gutom sila sa laman ngunit hindi sila ang tunay na kalaban kundi sila! Silang maririnig mong naglalakad sa daan, may bitbit na aklat, suot-suot ang mahabang tila kwintas na may krus sa dulo. Umaawit ng Papuri sa Diyos habang binibitay ang kababaihan sa kawalang-hiyaan. 



Hindi sila mga aswang! Ang kumakain ng laman ay yaong puno ng ganid at suklam sa magagaling at nakapanlalamang sa kaalaman. Sila ang tunay na mga aswang!



Ang manananggal ay hindi dapat tingnan bilang halimaw, kundi bilang simbolo ng kababaihang itinuring na kakaiba sapagkat piniling sumalungat sa inaasahan. Sa kanyang paglipad, makikita ang paghahanap ng bawat babae ng kalayaan mula sa mga tanikala ng kultura, relihiyon, at tradisyon. Ang kanyang katawang hinati ay larawan ng pagkakabiyak ng pagkatao ng bawat babaeng pinipilit mamuhay ayon sa dikta ng iba.



Ama namin, sumalangit ka…



Nangagsilabasan sila ngunit hindi pinapasok sa kaharian ng Diyos. Marahil hindi pa lang talaga nila oras. Ang manananggal ay larawan ng kababaihang hindi kailanman lubos na natalo. Sa kabila ng mga sumpa, takot, at panlalait, patuloy siyang bumabangon at lumilipad. Sa kanya natin makikita ang tunay na kahulugan ng lakas—ang lakas ng mga babaeng, sa gitna ng dilim, ay piniling hanapin ang sarili, at sa kabila ng hatol ng mundo, ay patuloy na lumilipad patungo sa liwanag.



At nang matapos ang pagluto ng dugo at karneng baboy, dali-daling inihain sa hapag. Kumuha ng isang kutsara at isinubo sa bibig. Nginuyang parang wala nang bukas dahil matagal na silang kumakain ng laman. Walang pinagkaiba sa atin si Manang na natatanggal. Pang-uuyam ang matakot sa lumilipad na nilalang dahil wala nang mas brutal pa sa i-alay ang iba para sa kasakimang ligaya.

Comments


bottom of page