LIWAYWAY — Kapre | Dalita ng Gubat
- May 12
- 2 min read
Isinulat ni John Kenneth Dapitan

Kagubatan ang pangunahing yaman ng Pilipinas, bunsod ng magandang klimang payak para sa mga halaman at ibang pang mga nilalang. Matatayog ang mga puno, luntian ang mga dahon, at hitik sa bunga. Kung tutuusin, dapat silang ituring na buhay—may pulso at nanganganak din. Ang pulsong ito ang naging tahanan din ng mga hindi kabilang sa mundo ngunit hahamakin ang lahat mapalapit lamang sa tahanan ng bawat tao.
Kasing taas ang mga kugon na bubong, naninirahan sa mga matatayog na puno ng balete o mangga. Mapupungay ang mga mata, at nangangamoy silab ng apoy ang paligid ang kanilang presensya. Ganito kung ilarawan ng mga matatanda ang mga kapre. Palagiang nagtatago ang mga mestiza at unat ang mga buhok sa mga sitio at kanayunan tuwing lumalalim na ang gabi. Hindi sila kinukupkop ng mga makapangyarihan upang maging asawa tulad sa mga aklat ng kasaysayan, bagkus iniiwasan ang mga nilalang na ito na wika nila, mga babae ang minamata.
Upos ng Nakaraan
Naamoy sila palagi sa mga bintana at tabi ng mga kabilaang puno. Subalit kung babalikan, hindi ito upos ng tobacco, kundi ng nalimutang kasaysayan. Tulad ng kapreng kaibigan ni Emilio Aguinaldo na kwentong-bayan, nakikita lamang daw ito tuwing gabi at naninirahan malapit sa kaniyang bahay. Marahil kuwentong-bayan ang turing dito, kaakibat nito ang kasaysayan ng Pilipinas sa ilalim ng mga Kastila. Daang taon bago ang pagdating ng mga Kastila, dikit na sa kalikasan ang moral ng mga Pilipino. Ang kutob at pagaspas ng dahon ang naging sandalan ng kanilang paniniwala. Patuloy na nagpapalit-palit ang anyo ng konseptong ito nang sakupin ng Espanya ang Pilipinas at pumasok ang Kafir, salitang Arabe, na kalaunang tinawag na kapre na nangangahulugang hindi mananampalataya.
Usok ng Laman
Hindi usok ng sigarilyo ang tunay na simoy na nakaangkla sa imahe ng mga kapre tuwing gabi, kundi ang naglalagaslas na abo ng pagkalimot. Pinaniniwalaang ang tunay na pinagmulan ng mga kapre ay ang mahabang kasaysayan ng mga slave market—mga taong sinakop ng mga lahi at dinala sa Pilipinas upang maging alipin at suportahan ang mga cash crop. Ngunit hindi sila mga hayop na ikinukulong, kung kaya tatakas sila sa mga kagubatan at magtatago, malayo sa mga taong pinagkaitan sila ng kalayaan. Kaya hanggang ngayon, mailap pa rin tayong suungin ang kagubatan. Naitatak sa atin na ito ang bukana ng pagrerebelde at pagtalikod sa sistemang unang tumalima sa atin. Mananatili sa atin ang usok at amoy ng mga higanteng maralita sa gitna ng kasukalan, naghihintay lumabas.
Hiwaga ng Kagubatan
Matalim ang tingin nila sa buhay ng kanayunan. Sigaw ng pangingimbulo ang kanilang sulyap sa simple, ngunit umaatikabo sa sigla at kalinangan. Nalibing na ang bawat ninuno sa ating kasaysayan, ngunit nananatili ang mga mito, tulad ng kapre, sa kasalukuyan. Sa rurok ng puno natin sila nakikita, lumalabas sa gabi upang maging malaya. Ang mga kapre marahil ay hindi lamang isang mito, kundi mga taong lugmok sa dalita at patuloy na nagtatago sa likod ng mga puno.



Comments