LIWAYWAY – Diwata | Kinang, Kulay, at Buhay
- May 11
- 4 min read
Isinulat nina Liam Marcus Cayabyab at Sebastian Ahlem De Guzman

Ang lalaki ay para sa babae, at ang babae ay para lamang sa lalaki
Sa mahabang panahon ang mundo ay nasakop ng isang pag-uugaling tumataklob sa kinang at pangarap ng karamihan sa ating mga kapwa. Ngunit sa loob din ng mahabang panahon, nasaksihan natin ang pagbabago ng ating mundo na dati’y kinikilala natin bilang konserbatibo at relihiyoso. Dati, ang mga bakla ay nagiging sentro lamang ng atensyon kapag sila ay kinakahiya ng kanilang pamilya, kapag sila ay ginugulpi at pinahihiya.
Dati ang tingin lamang sa mga bakla ay isang payaso na ang tanging trabaho ay mag patawa. Ngayon, pista rito, pista roon, sa bawat liwanag ng entablado, may isang diwatang iniluluwal at palaging magiging sentro ng atensyon at libang.
Ang mga tunay na diwata
Bakla, bading, bayot—iyan ang tawag sa kanila ngayon. Ngunit diwata nga bang maituturing kung ang tingin ng lipunan sa mga bakla ay pangit, kahiya-hiya, at hindi katanggap-tanggap?
Diwata ba sila? Kung minsan ay itinuring silang kakaiba, minamaliit, at “hindi akma sa hulma” ng paningin ng iba.Sa kulturang Pilipino, ang diwata ay tagapag-alaga, tagapagpagaling, tagapag-ingat ng kagubatan, ilog, at kaluluwa. Hindi sila basta maganda—sila ay makapangyarihan. At kung susuriin natin ang kasaysayan, sino ba ang unang tagapagpagaling, tagapamagitan, at tagapag-ugnay sa mga espiritu?
Ang babaylan.
At ang babaylan ay madalas kumikilos nang lampas sa konsepto ng kasarian.Marami sa kanila ay binukot, binabaylanang lalaki, o lalaking may pusong babae—mga taong hindi kailanman limitado ng katawang pisikal. At tulad ng babaylan, ang bakla ngayon ay nagpapatuloy ng tradisyong nagpapagaling, nagbubuo, at naglalaman ng lakas na hindi matatawaran.
Sa kuwento ni Walterina Markova, ang tunay na diwata ay nakikita sa kakayahan nitong mag liwanag sa kalagitnaan ng mapait na tingin ng mga tao. Paano nga ba naging simbolo ng sangkabaklaan ang mga diwata? Saan sila kumuha ng lakas na patuloy na maging bakla? Hindi ba parang imposible na maging bakla kung dinuduraan ka lamang, isa lamang parausan, at ang tingin sa’yo ay masahol pa sa taong may malubhang sakit?Ngunit saan ba nanggaling ang ningning?
Sa sakit.
Sa pagwawalang-bahala ng lipunan.
Sa sampal at latay na nagsilbing anino sa kanilang pakpak.
Hindi ba tila imposibleng magningning kung ang sarili mong pamilya ay hindi makita ang mga kulay na iyong taglay? Sa mga latay at sampal, nakaukit ang kasaysayan ng mga makabagong diwata. Bawat pamamahiya, mga suntok, mga balat na nalapnos sa init ng dugo ng mga tao, dito nakabaon ang pangit na proseso kung paano nagkaroon ang mga bakla ng lakas ng loob na gawing simbolismo at inspirasyon ang diwata.
Bakla ako, nakakahawa ang tawa ko
Hindi lamang hanggang libangan ang aming kakayahan, ang mga diwata ay nakikita sa lahat ng sulok ng daigdig at patuloy na mamamayagpag hindi dahil gusto sila ng lahat ngunit sila ay di-pangkaraniwan. Ang taglay na talento at kakayahan ay ‘di masusuklian ng anumang pasa at sugat na nag-uugat sa mga hipokritong kaisipan.Ngunit sa bawat gabing may kasamang hikbi, may pangarap at tapang na unti-unting nabubuo, may sipa sa puso na nag-uudyok sa mga bakla na ipakita ang rason kung bakit sila dapat tingnan ng lipunan.
Mula sa isang batang nangarap lamang na magsuot ng makukulay na damit, makinang na mga palamuti at matataas na takong, isang tahimik ngunit epektibong rebolusyon ang nasaksihan ng mundo. Ngayon ay hindi ka na mahihiyang matawag na diwata, dahil marami kang ka-uri, hindi ka na matatakot na maglagay ng kolorete at lipstik. Hindi mo na kailangang magtago sa kuwarto para maging isang Beauty Queen.
Dahil may boses kana…
May kasama ka….
Dahil may isa pang diwatang gagabay sa’yo…
Dapat may bakla, masaya pag may bakla, gusto ko may bakla
Tulad ng isang diwata, ang sangkabaklaan ay nagsisilbing gabay at daan tungo sa isang sining at kuwento na tanging mga bakla lang ang makapagsasabi. Ang pag-alsa ng mga bakla laban sa imaheng bumalot sa kanila sa loob ng ilang daang taon ay isang testamento na ang kakayahan ng sangkabaklaan ay maihahalintulad sa kapangyarihang taglay ng isang diwata.
Ang pagiging diwata ay nagsilbing huwaran ng pagiging bakla, isa itong estatwang ipinagsisigawan na ang diwata ay hindi lamang gawa-gawang nilalang, hindi lamang ito napapaloob sa mga kwentong pambata, mitolohiya. Ang diwata ay isang tunay na tao, na may kuwento at karanasan, modelo ng tagumpay at talino.
Sa mga kuwentong alam na natin, at sa mga kuwentong hindi pa rin kayang ipagsabi nananatiling buhay ang diwa ng mga bakla bilang mga makabagong diwata ng tunay na buhay. Mga diwatang nagbibigay ng saya at aliw, mga diwatang masarap kasama, mga diwatang masarap maging kaibigan, mga diwatang masarap maging anak.
Lahat ng ito ay naging gulugod na ng mga bakla, tayo ay masaya kasama, ngunit papaano na kaya kung ang pansarili nating kaligayahan ang pag uusapan? Kami ba ay diwata pa rin? At iyan ang susunod na laban ng sangkabaklaan…ang mga makabagong diwata.
Ang makabagong diwata
Sa huli, ang diwata ay hindi kathang-isip o engkanto. Hindi rin siya basta bahagi ng alamat. Ang diwata ay maaaring makita sa tunay na mundo—may pinagdadaanan, may nararamdaman, may kakayahang magbigay ng liwanag kahit sa gitna ng hamon.
Sa mundong patuloy na nagbabalatkayo bilang konserbatibo, ang tunay na diwata ay ang baklang patuloy na bumabangon mula sa diskriminasyon at maling pagtingin ng lipunan. Sila ang mga makabagong tagapagbantay na nagpapatunay na ang lakas ay maaring manggaling sa karanasan, sa pagtitiis, at sa pagpapatuloy.
Sila ang diwata ng kasalukuyan—hindi dahil sa panlabas na ganda, kundi dahil sa tibay ng loob at kakayahang manatiling matatag sa kabila ng lahat.
At ngayon, handa silang harapin ang susunod na yugto: ang tahasang pakikibaka para sa sarili nilang kaligayahan, dignidad, at pagkilala.



Comments