Kolaborasyon ng PUP-COED, SU, tagumpay sa 6th International Research WebConference, 11th Guro Research Awards
- May 12
- 2 min read
Isinulat nina Paula Jane Sarmiento at Princess Abio

Naisakatuparan ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) – College of Education (COED), sa pakikipagtulungan ng Silla University (SU), ang 6th International Research WebConference at 11th Guro Research Awards na may temang “Research and Innovation: Shaping the Future of Global Education”, nitong Martes ganap na 9 ng umaga at 1 ng tanghali, Nobyembre 25 sa pamamagitan ng Zoom at Facebook live.
Layunin ng programa na bigyang-diin ang kahalagahan ng pananaliksik sa paghubog ng edukasyon sa hinaharap at sa panahon ng Artificial Intelligence (AI), higit sa konteksto ng pag-angkop ng mga institusyong pang-edukasyon sa malawakang pagbabago.
Gayundin, binigyang-halaga nito ang papel ng mga guro at laybraryan bilang mananaliksik, sa paglikha ng makabago at epektibong solusyon para sa mga umiiral na hamon sa pagtuturo at pagkatuto.
Sa kabilang banda, nagbahagi ng inspirasyonal na mensahe si Dr. Anna Ruby P. Gapasin, Pangalawang Pangulo ngResearch, Extension, and Development (RED), kung saan kaniyang iginiit ang pagiging pundasyon ng pananaliksik sa inobasyong naglalayong itaguyod ang dekalidad na edukasyon.
Sinundan ito ni Dr. Eunhwa Lee, South Korean Degana sa SU, na siyang nagsilbing tagapagtalakay sa papel ng global collaboration, digital transformation, at evidence-based innovations sa patuloy na pagbabago ng edukasyon.

“AI can already perform tasks that once required human expertise, but this is not the end of education—this is the beginning of a deeper transformation,” ani Dr. Lee.
Nag-iwan naman ng panghuling mensahe para sa unang bahagi ang Plenary Speaker na si G. Geronio G. Ulayao, Provost ng De La Salle–College of Saint Benilde, kung saan ipinahayag niya ang kahalagahan ng paglinang sa kritikal na pag-iisip at ang patuloy na paghubog sa mga guro at laybraryan bilang pangunahing tagapagtaguyod ng makabuluhang pagbabago sa loob at labas ng silid-aralan.
“True innovation requires responsibility, foresight, and an awareness of its broader social impact,” aniya pa.
Kaugnay nito, nagpatuloy ang ikalawang bahagi sa breakout sessions kung saan ibinahagi ng mga guro at mag-aaral mula sa iba’t ibang paaralan, ang kanilang binuong pananaliksik.

Nagkaroon din ng kolektibong desisyon ang mga nagsilbing panel para sa mga nakakuha ng parangal sa pinakamahusay na pananaliksik at iba pang kategorya.
Sa kabilang banda, kabilang din sa mga nagpaunlak sa imbitasyon sina Dr. Rosemariebeth R. Dizon, Degana ng PUP-COED at Dr. Rhodora Julian, Tagapangulo ng Department of Library and Information Science (DLIS), at Dr. Dennis Dumrique na nagsilbing pangunahing tagapagdaloy.
Samantala, bahagi ng pagdiriwang ng ika-16 na anibersaryo ng PUP-COED ang naturang programa.
Dagdag pa rito, asahan na mayroon pang ibang inihandang mga gawain ang kagawaran na may layuning ipagdiwang ang pamana ng pagkatuto at inobasyon, at higit pang palakasin ang kakayahan ng mga guro at laybraryan ng bayan sa hinaharap.



Comments