top of page
Copy of TEMPLATE FOR SHIRT, ID, LANYARD (6).png

Inilunsad ng DAMLAY, PUP SSG ang Pagdiriwang ng Buwan ng Wika, Kasaysayan

  • May 12
  • 3 min read

Isinulat ni John Lester De Leon




Binigyan ng buhay at kulay ng mga natatanging mag-aaral mula sa dalawang kilalang akademikong organisasyon ng Kolehiyo ng Edukasyon—ang Damdamin at Malay (DAMLAY PUP Sta. Mesa) at PUP Social Studies Guild (PUP SSG)—ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika at Buwan ng Kasaysayan ngayong Agosto 2025, sa pamamagitan ng mga pambungad na palatuntunan. 


Pinangunahan ng DAMLAY ang selebrasyon ng Buwan ng Wika sa kanilang programa na may temang “Paglinang sa Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa” noong ika-1 ng Agosto taong 2025 sa pamamagitan ng Zoom Communication at kanilang opisyal na Facebook page. Ang programa ay pinaunlakan nina Dr. Rosemariebeth R. Dizon, ang dekana ng Kolehiyo ng Edukasyon, at ang tagapangulo ng Kagawaran ng Elementarya at Sekundaryang Edukasyon na si Dr. Daizylyn Palillo.  Ang kanilang pambungad na pananalita ay mensahe tungkol sa kahalagahan ng wikang Filipino at mga katutubong wika bilang tagapag-ugnay ng kaisipan, damdamin, at adhikahin ng mamamayang Pilipino na isapuso, isabuhay, at ipagmalaki ang paggamit at paglinang sa wikang pambansa.


Handog ng organisasyon ang inihandang mga patimpalak na siyang inilahad at itinilakay ni Bb. Ericka Jhoiz Borbon, ang kasalukuyang pangulo ng DAMLAY. Mayroong Tagisan ng Talino (Lumba sa Kaalam: Lingas sa Kaaram ng Filipino at Wikang Katutubo), Bilis Balita (Boses ng Bayan, Tinig na Makasaysayan), Isang Awit (Himig ng Wika: Pagningning ng mga Bagong Tala), Pagsulat ng Lathalain (Katha’t Lathala: Makapangyarihang Likha Tungo sa Wika), Spoken Poetry (Kaangtanan: Sa Kuwento ng mga Titik, Damdamin ng Tinig ay Hitik), Traditional Poster Making (Batik ng Bayan: Tradisyunal na Pagguhit ng Sining), at Digital Book Cover (ObraKo Ver: Kuwento ng Aklat, Bagong Pabalat) na gaganapin sa buong buwan ng Agosto.


Nagtapos ang programa sa isang Pampinid na Pananalita ni Dr. Maria Charlene Melegrito, tagapayo ng DAMPLAY, na nag-iwan ng makabuluhang mensahe tungkol sa pagmamalasakit sa wika at naghikayat na ipagpatuloy ang masigasig at makabuluhang pagtataguyod ng wikang Filipino at ng ating mga katutubong wika.


Sinundan naman ng PUP Social Studies Guild (PUP SSG) ang pagdiriwang sa Buwan ng Kasaysayan sa pamamagitan ng kanilang programa na pinamagatang “Sa Dalumat ng Salimbayang Diwa: Kabataan bilang Buhay na Gumugunita sa Kasaysayan” noong ika-2 ng Agosto taong 2025 na pinasinayaan din sa pamamagitan ng Zoom Communication at opisyal na Facebook page.


Nagsimula ang programa sa pambungad na pananalita ni Dr. Manolito S. San Jose, ang tagapayo ng PUP Social Studies Guild. Kaniyang isinalaysay ang ilang mahahalagang kaganapan sa kasaysayan ng PUP noong dekada ‘90. Bagama’t napakalaking hamon at suliranin ang pinagdaanan at kinaharap ng institusyon sa nakalipas na dekada, binigyang diin niya ang pagtindig ng komunidad mula sa administrasyon, mga kawani, mga guro, at mga estudyante upang ipaglaban ang karapatan at kagalingan ng PUP.


Tampok sa kanilang programa ang isang makabuluhang talakayan na pinangunahan ng isang alumni at ngayo’y guro na si G. Tuesday Baby D. Sacdalan. Kaniyang ibinahagi ang sariling pananaw at kaalaman ukol sa gampanin ng kabataan sa pagsusulong ng makabayang pagkilos at kasaysayang buhay. Sa pamamagitan ng tema na “Diwa ng Kasaysayan: Kabilin sa Kabataan,” binigyang-diin ang mahalagang gampanin at tungkulin ng mga kabataan bilang aktibong tagapagtaguyod ng kahulugan ng kasaysayan. “Hindi sapat ang pagmememorya; mahalaga ang pag-unawa sa konteksto, sakripisyo, at aral ng kasaysayan. Maging bahagi ng naratibo, hindi lamang tatanggap ng impormasyon. Ang pag-aaral ng kasaysayan ay hindi lamang isang pagbabalik-tanaw, dahil dapat din na may pagpapakahulugan sa nakaraan para maunawaan ang kasalukuyan at mahubog ang hinaharap,” dagdag pa niya.


Sinundan ang talakayan ng pagpapakilala at pagtalakay sa mga gawain at patimpalak ng organisasyon sa buong buwan ng Agosto, sa pangunguna ni G. Alvin Bryan C. Barios, ang Guild Master ng PUP Social Studies Guild. Inihahandog ng kanilang organisasyon ang “KKK – Kabataan. Kaalaman. Kasaysayan,” “SSimbolo ng Makasaysayang Pilipinas: Tagisan ng Talino sa Kasaysayan ng Bansa,” “Ang Kahusayan ng Kabataang Makabayan: KaSSanayan sa Pagsulat ng Sanaysay,” at “Mula sa Pluma Hanggang Huni: Mga Himig ng Kabataang Sisidlaw ng Salinlahi.” 


Malugod na inaanyayahan ng buong pamunuan ng DAMLAY PUP Sta. Mesa at PUP Social Studies Guild ang mga mag-aaral na makilahok at makisaya sa inihanda nilang mga programa, gawain, at patimpalak, na layong maitanghal ng kabataang Pilipino ang kanilang talento, pagpapahalaga sa wikang pambansa, at pagmamahal sa bansa.

Comments


bottom of page