EDTalk Webinar Series, Opisyal Nang Natapos
- May 12
- 2 min read
Isinulat nina John Kenneth Dapitan at Paula Sarmiento

Idinaos ang ikaapat at huling bahagi ng EDTalk Webinar Series na may paksang “Empowering Lifelong Learning: The Role of Educators and Librarians in a Changing World”, sa pangunguna ni G. Randolf Mariano, Research Librarian mula sa Pamantasan ng Inland Norway, nitong Oktubre 25, 2025 sa pamamagitan ng Zoom at Facebook live.
Tampok sa naganap na webinar ang pagbibigay-diin sa kahalagahan ng lifelong learning at pagiging susi nito sa patuloy na pag-unlad ng mga guro, laybraryan, at mag-aaral sa kabila ng mabilis na pagbabago ng panahon.
Dagdag pa rito, ibinahagi rin ni G. Mariano ang iba’t ibang uri ng lifelong learning tulad ng support, modalities at places, mga epekto nito sa personal at propesyonal na paglago, at ang papel ng edad sa pagkatuto.
Pinangunahan ng The Limestone katuwang ang Library and Information Science Student Organization (LISSO) ang naturang programa; nagsilbing punong tagapagdaloy naman sina Althea Lauren Velarde at Maria Jesusa Incion, miyembro ng nasabing opisyal na publikasyon ng College of Education (COED).
Samantala, matatandaang nagsimula noong ika-4 hanggang sa huling Sabado ng Oktubre ang serye na tumatalakay sa mga paksang tungkol sa Gender and Development (GAD) and Inclusion; Future of Work and Education, Concept of Microcredential, Leveraging TESDA Microcredentials and Digital Badge; at Speak to Inspire: Crafting Your Teacher Voice with Purpose and Presence.
Gayundin, pinangunahan ito ng mga tagapagsalitang sina G. Jason V. Panay at G. Zarin Gershon P. Letaba, Bb. Maria Regina R. Amore, at G. Ranmark A. Ralotin.
Taunang isinasagawa ng PUP-COED ang nasabing webinar kasabay ng pagdiriwang ng National Teachers’ Month at layunin nitong maghatid ng mga ideyang magpapaunlad sa sektor ng edukasyon kabilang ang kaguruan, mga laybraryan at mag-aaral, na may kaugnayan din sa tema ngayong taon na “Future-Ready Educators and Librarians: Nurturing Skills, Values, Well-Being for a Dynamic and Inclusive Learning Environment.”



Comments