𝗕𝗶𝗻𝗵𝗶 𝗮𝘁 𝗣𝗮𝗴-𝗮𝘀𝗮
- May 11
- 4 min read
Article By: Sebastian Ahlem De Guzman

Sa isang malamig at mahanging gabi ng ika-2 ng Hulyo, muling sumibol ang mga panibagong binhi na siyang magtataguyod ng progresibong pamamayagpag ng kanilang pamumuno sa buong lawas ng medyor sa Filipino. Kasabay ng pagbukang-liwayway ng bagong kabanata, namayani ang diwa ng pagkakaisa, sigasig, at pangarap para sa mas matatag, makabuluhan, at makabayang paglilingkod. Isa itong gabi ng pag-asa, pagtatalaga, at paninindigan—na ang bawat hakbang ay alay sa wika, kultura, kalikasan, kasarian at bayan.
Muling nagbukas ang pinto ng oportunidad para sa mga bagong halal na opisyales ng Damdamin at Malay – PUP Sta. Mesa. Isa itong pagkakataon upang muling patunayan na ang kanilang pamumuno ay nananatiling matibay na pundasyon at haligi sa pagtataguyod ng isang maayos, makabuluhan, ligtas, at katiwa-tiwalang organisasyon. Ang kanilang panunungkulan ay hindi lamang para sa kasalukuyan kundi para rin sa kabuuan ng medyor sa Filipino—mula sa mga pasibol na binhi ng pag-asa hanggang sa mga magtataguyod ng hinaharap ng programang Batsilyer ng Sekundaryang Edukasyon, Medyor sa Filipino. Sa kanilang mga kamay, isinusulong ang isang pamumunong may puso, dangal, at tunay na malasakit sa kapwa. Hindi lamang ito simpleng tungkulin, kundi isang dakilang panata—panatang pangalagaan ang interes ng nakararami, itaguyod ang makataong adbokasiya, at gawing bukal ng inspirasyon ang bawat proyekto, aktibidad, at adhikain.
Mamamayagpag ang bagong hanay ng mga halal na opisyal ng Damdamin at Malay (DAMLAY) – PUP Sta. Mesa sa ilalim ng pamumuno ni Bb. Ericka Borbon, ang bagong halal na Pangulo na magsisilbing haligi at ilaw ng buong kapisanan para sa akademikong taon 2025–2026. Katuwang niya sa pamumuno sina G. Jared Cilot, bilang Pangalawang Pangulo para sa Panloob na Ugnayan na mangunguna sa mga gampanin sa loob ng unibersidad at kolehiyo, at si Bb. Dan Shine Pangilinan bilang Pangalawang Pangulo para sa Panlabas na Ugnayan na mangangasiwa naman sa mga ugnayan ng organisasyon sa labas ng pamantasan. Nagwagi rin bilang Kalihim si G. Jhun Zarceno na katuwang si Bb. Hiyasmine Dimaano; habang si Bb. Rein Satira naman ang itinalagang Ingat-Yaman na may katuwang na si Bb. Mary Grace Bejo. Si Bb. Ma. Eloisa Candelaria ang magsisilbing Tagasuri at katuwang niya si Bb. Mylene Rol; samantalang si Bb. Angela Joy Almazar ang hahawak bilang Tagapamahala kasama si G. Brianne Jhayvee Vallejos bilang katuwang. Sa larangan naman ng komunikasyon, si G. Timothy Villafania ang magsisilbing Tagapagbalita at katuwang niya si Bb. Yleousa Lozada. Para sa mga posisyon ng Direktor, nagwagi si G. Mark Cesar Venerable bilang Direktor ng Ikalawang Taon, si G. Ernesto Pando bilang Direktor ng Ikatlong Taon, at si Bb. Crystal Jane Pacatang bilang Direktor ng Ikaapat na Taon. Malalaman pa lamang sa mga susunod na buwan kung sino ang mahahalal bilang Direktor ng Unang Taon, na pormal na ihahayag sa kanilang oryentasyon. Mas magiging matagumpay ang panibagong kabanata ng pamunuan dahil sa patuloy na suporta ng dating Pangulo na si Sebastian Ahlem T. De Guzman, na ngayon ay magsisilbing Konsultant, gayundin ng mga Tagapayo ng organisasyon na sina Gng. Maria Charlene Melegrito at Bb. Jade Junio. Sa kolektibong lakas, galing, at dedikasyon ng bawat isa, inaasahang maisusulong ang isang matatag, inklusibo, at makabayang liderato para sa lahat ng mag-aaral ng Batsilyer ng Sekundaryang Edukasyon medyor sa Filipino.
Sa likod ng bawat posisyon ay panibagong responsibilidad, at sa puso ng bawat lider ay panibagong pangarap para sa mas inklusibo at makatarungang kinabukasan. Ang Damdamin at Malay ay hindi lamang pangalan ng isang kapisanan—ito ay isang panawagan na nakaukit sa isang pangalan: panawagan para sa sining, panitikan, hustisya, pagkakapantay-pantay, at walang sawang paglilingkod. Sa gitna ng lahat ng pagsubok, ang bagong hanay ng mga opisyales ay magsisilbing liwanag sa gitna ng dilim, at hangin ng pag-asa sa gitna ng mga unos.
Ang gabing sila ay naitalaga bilang mga bagong mandirigma ng kapisanang DAMLAY PUP – Sta. Mesa ay hindi lamang selebrasyon. Isa itong pagsilang ng bagong pananabik, paninindigan, at pangarap para sa kinabukasan ng bawat medyor—na ang bawat binhi ng pagkilos at malasakit ay tutubo, yayabong, at magbubunga ng mas makulay at makabuluhang bukas.
Ngunit higit pa sa mga pangalan at posisyong inukit sa papel, ang tunay na sukatan ng pamumuno ay hindi nasusukat sa dami ng proyektong naisagawa kundi sa lawak ng pusong naantig, tinig na pinakinggan, at pagbabagong naipundar sa loob ng programa. Sa bagong kabanatang ito, ang bawat opisyales ay inaasahang maging tagapagsalita ng taumbayan, tagapagtanggol ng katotohanan, at tagapagtaguyod ng katarungan sa loob at labas ng akademya.
Sa ilalim ng bandila ng Damdamin at Malay, muling pinatotohanan ng organisasyon na ang wika ay hindi lamang midyum ng pagkatuto, kundi armas ng paglaya, daluyan ng pagkakaisa, at sagisag ng ating pagkakakilanlan bilang mga Filipino. Sa pamamagitan ng makabuluhang programa, kolaboratibong ugnayan, at mapanuring adhikain, nilalayon nitong itaas hindi lamang ang antas ng talino kundi pati ang antas ng pagkatao ng bawat kasapi.
Ang mga bagong opisyales ay mga alon sa isang malawak na karagatan. Hindi nila kontrolado ang ihip ng hangin, ngunit pinipili nilang itimon ang bangka patungo sa direksyong makabubuti sa nakararami. Tangan nila ang pananagutan na palalimin ang pag-unawa sa wikang Filipino, isulong ang mga progresibong adhikain, at gawing tahanan ang bawat miyembro ng medyor.
Ang bawat araw na lilipas mula sa kanilang panunumpa ay hindi dapat tingnan bilang pag-uubos ng oras, kundi pag-aani ng tiwala, karanasan, at mas malawak na misyon para sa kinabukasan ng ating bayan. Sa bawat hakbang, hindi lamang sila naglilingkod—sila’y nagtuturo, natututo, at nagbibigay liwanag sa madilim na bahagi ng sistema.
At sa huli, ang Binhi at Pag-asa ay hindi lamang mga simbolismo. Ito ay paalala: na sa bawat pusong handang maglingkod, may binhing isinisilang—at sa bawat binhing inalagaan ng tapang, talino, at malasakit, may pag-asang uusbong at magpapabago sa lipunan at bayan.



Comments