top of page

BALITA | PUP budget, bababa ng ₱287.77M sa 2027

Aug 25
2 min read

Bumaba ng ₱286.77 milyon ang panukalang badyet ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) para sa 2027, mula ₱3.932 bilyon ngayong taon tungo sa ₱3.646 bilyon, ayon sa Department of Budget and Management (DBM) noong Martes.


Batay sa 2027 National Expenditure Program, nakapagtala ang PUP ng kabuuang obligasyong ₱3.646 bilyon para sa susunod na taon, mas mababa ng 286.77 milyon, o 7.3% kumpara sa ₱3.932 bilyong kabuuang obligasyon nito noong 2026.


Bukod pa rito, ibinaba mula sa ₱424 milyon ang kasalukuyang badyet para sa capital outlays hanggang sa ₱40 milyon na lamang para sa susunod na taon.


Ang capital outlays ay mga gastusin para sa capital assets, kabilang ang mga machinery, equipment, furniture, fixtures, at books.


Sa ₱40 milyong capital outlays para sa 2027, ₱20 milyon ang nakalaan para sa machinery and equipment outlay at ₱20 milyon para sa furniture, fixture, at books outlay.


Samantala, tumaas ang personnel services ng PUP mula ₱1.958 bilyon noong taong 2026 patungong ₱2.082 bilyon sa 2027.


Bumaba naman ang maintenance and other operating expenses (MOOE) mula ₱1.549 bilyon sa taong 2026 patungong ₱1.523 bilyon sa 2027.


Kabilang sa MOOE ang ₱1.416 bilyon para sa financial assistance at subsidy, ₱25.861 milyon para sa supplies and materials at ₱26.008 milyon para sa utility expenses.


Sa ilalim ng 2027 NEP, ₱2.670 bilyon ang nakalaan para sa higher education program ng PUP.


Target ng PUP na umabot sa 73% ang passing rate para sa first-time licensure exam takers.


Ang orihinal na panukalang badyet ng PUP ay nagkakahalaga ng ₱15.7 bilyon, na humigit-kumulang ₱12.054 bilyon na mas mataas kaysa sa ₱3.646 bilyon bilang panukalang alokasyon para sa 2027. Katumbas ito ng humigit-kumulang 23% ng orihinal na P15.7 bilyong kahilingan ng PUP, o halos 77% na mas mababa kaysa sa hiningi ng unibersidad.


Samantala, sinabi ni Student Regent JP Azusano na aabot na sa mahigit 106,500 ang bilang ng mga estudyante sa buong PUP System, kasabay ng pagtuligsa sa panukalang pagbawas ng badyet para sa 2027.


“Ito na naman tayo, haharap na naman sa napakalaking budget cut for 2027. For context, aabot na ng mahigit 106,500 ang estudyante sa buong PUP System. We are the most populous university in the country, and yet here we are,” ani Asuzano sa kaniyang Facebook post.


Binanggit din ni Azusano ang mga isyung kinakaharap ng PUP Community, kabilang na ang kakulangan sa classrooms, mga serbisyong natatanggap ng mga estudyante, sahod ng mga guro at manggagawa, at karagdagang bayarin ng mga estudyante.


“Hindi pa kasama rito ang kulang at nabubulok naming mga classrooms, below the bare minimum services we receive, mababang pasahod sa mga guro at trabahador, at mga dagdag bayarin ng mga estudyante dahil nga mababa ang badyet na natatanggap namin taon-taon” dagdag ni Azusano.


Sa kabuuan, nananawagan ang Student Regent na ibigay sa PUP ang orihinal nitong panukalang badyet na ₱15.7 bilyon para sa 2027.


Artikulo ni Chan Jasper Sarvida

Comments


bottom of page