top of page

BALITA | Higit 3K Iskolar ng Bayan, iginiit ang pondo, kalayaang akademiko sa FDF

Aug 29
3 min read


Batay sa datos ng Sentral na Konseho ng Mag-aaral (SKM), tinatayang 3,000 mag-aaral ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP) - Sta. Mesa ang nakiisa sa First Day Fight (FDF), bitbit ang kanilang mga panawagan sa pagsisimula ng taong panuruan 2026-2027, noong Sabado, Agosto 22.


Kilala rin  bilang "First Day Rage," ang FDF ay isang taunang pagkilos na nagsisilbing  militanteng  pagsisimula sa panibagong akademikong taon at pagkakataong maihayag ang kampanya ng mga kolehiyo na may kaugnayan sa mga isyung kinakaharap ng pamantasan at lipunan.


Kabilang sa pangunahing panawagan ng mga lumahok ang dagdag na pondo para sa pamantasan matapos ilabas ng Department of Budget and Management (DBM) ang ₱3.646 bilyong panukalang pondo para sa PUP sa 2027, mas mababa ng ₱287 milyon sa nakaraang taon at malayo sa ₱15.7 bilyong hiniling para sa unibersidad. 


Ayon kay Andrei Clemente, tagapagdaloy ng Kolehiyo ng Edukasyon at miyembro ng Sandigan ng Mag-aaral para sa Sambayanan (SAMASA), tinututulan niya ang pagbaba ng pondo para sa state universities and colleges (SUCs), lalo na dahil mahalaga ang papel ng edukasyon sa paghubog ng kabataan.


“Ang pagbaba ng pondo ng SUCs ay manipestasyon lamang ng isang kolonyalisado, komersyalidado, at reprisibong edukasyon, na masasalamin sa kakulangan ng mga pasilidad, kagamitan, at hindi makataong sahod at benepisyong natatanggap ng mga guro,” ani Clemente.


Nananawagan siya sa mga IsCOEDs na magpatuloy sa pagsulong ng isang makabayan, siyentipiko, at lapat sa masa na uri ng edukasyon.


Sinegundahan din ito ni Mary Queen Melecio, katuwang na tagapagdaloy, ang kahalagahan ng pakikilahok ng mga guro at mag-aaral sa mga usaping panlipunan at pampolitika.


“Hindi hiwalay ang edukasyon sa politika. Bilang mga guro ng bayan, napakahalaga ng ating paglaban dahil hindi maaaring palagi lang tayong sumusunod sa nais ng estado gayong tayo rin ang naaapektuhan nito...at mahalagang tandaan natin na hindi lamang sa apat na sulok ng silid-aralan nagtatapos ang pagkatuto,” saad ni Melecio.


Bukod sa usapin ng pondo at edukasyon, itinaas din ng mga lumahok ang iba pang pambansa at panlipunang usapin, kabilang ang pagtutol ng mga mag-aaral sa Pax Silica, na isa sa mga agarang usaping dapat bigyang-pansin ayon sa Education and Research Officer ng SAMASA na si Sunora Buleg.


“Pinaka-urgent [ang isyung] ito dahil itinutulak na ng administrasyong Marcos ang pagtatayo ng US-led AI industrial hub sa New Clark City, Tarlac sa ilalim ng Luzon Economic Corridor," aniya.


Dagdag pa ni Buleg, bagama’t ipinapangako ng proyekto ang “development,” “innovation,” at trabaho, maaari umano itong magdulot ng mga panganib sa likas-yaman at mga komunidad dahil sa land conversion at pagmimina ng silica at iba pang kritikal na mineral na ginagamit sa AI at semiconductor industries.


Maliban dito, kabilang din sa mga panawagan ng pagkilos ang pagbasura sa National Polytechnic University (NPU) Bill, na sinasalungat ng mga mag-aaral dahil hindi umano nito tunay na tutugunan ang mga umiiral na suliranin ng pamantasan, partikular ang pangangailangan para sa sapat at tuloy-tuloy na pondo mula sa pamahalaan; pagtatanggol sa kalayaang akademiko at pamamahayag, at iba pa. 


Sa kabilang banda, nagsagawa muna ng kaniya-kaniyang programa ang bawat kolehiyo na nagsimula sa ikaanim na palapag ng academic building bago nagmartsa patungong University Avenue kung saan isinagawa ang main program na pinangunahan ng iba't ibang lider-estudyante mula sa pangmasang organisasyon.


Samantala, nag-iwan din ng mensahe si 20th Student Regent JP Azusano para sa mga bagong Iskolar ng Bayan at kaugnay ng patuloy na pagbabawas sa badyet ng pamantasan.


“Sana hindi maging huli ang First Day Fight para isulong ang mga demokratiko at pang-akademikong karapatan natin sa loob ng pamantasan. Gamitin ang kanilang talino at lakas para ipagsilbi ’yong ating kayang ipagsilbi. Sumali sa mga pangmasang organisasyon, makilahok sa mga pampulitikang diskusyon, at kumilos para baguhin ang bulok na sistema,” pahayag ni Azusano.


Giit pa niya, kahit walang binabayarang matrikula ang mga iskolar, hindi ito maituturing na ganap na libreng edukasyon dahil nananatili ang mga patakarang aniya’y anti-student, kabilang ang entrance examination at patuloy na pagbabawas sa badyet.


Artikulo ni Paula Jane Sarmiento


Comments


bottom of page