top of page
Copy of TEMPLATE FOR SHIRT, ID, LANYARD (6).png

Apology Letter para sa mga Pilipino

  • May 11
  • 3 min read

Isinulat ni: John Kenneth Dapitan



Ako ang nahihiya para sa mga Pilipino.


Sa tuwing eleksyon, iba-iba man ang tinintahan sa balota, isa lang ang kanilang hangarin: mamuhay nang kumportable. Ang taunang SONA ng pangulo ay daan na sana sa isang taos-pusong paghingi ng paumanhin. Subalit, ilang taon na ang lumipas, ilang administrasyon na rin ang umapak sa karapatan ng mga Pilipino. Walang sorry-sorry, basta na lang babalik matapos ang anim na taon para muli na namang maghasik.


Pero kung dati napalagpas ang Budots sa telebisyon at ang napakong ‘anim na buwan at tapos na ang problema sa droga’, puwes hindi na ngayon. Ipikit mo ang iyong mga mata, isipin mong nasa Facebook post ka ng isang politiko. May itim na pubmat at sinserong pagpapatawad. Wala kayong matatanggap mula sa kanila kaya ako na ang susulat ng apology letter para sa mga Pilipinong tinalikdan ng sariling bayan, salamat sa mga politikong politika lang ang pinaglalaban.



Para sa mga Pilipino:


Noon pa man hangarin ko nang magsilbi sa lipunan, salamat sa inyong pagtitiwala, natupad ko ito. Nagamit ko ang inyong mga boto para itaob ang pundasyon ng lipunan at habiin ang ganid at korapsyon sa lamesa ng konstitusyon. Ginamit ko ang batas upang patahimikin ang mga mabubuting tao, aktibista, at mga iskolar na namamayani ang pag-ibig sa tinubuang lupa.


Pinayaman ko ang mga kaibigan kong mga negosyante. Pinapasok ko ang mga nag-aala-Pilipinong pugante para magtayo ng mga sugalan. Pinabayaan ko ang agrikultura at umasa na lamang sa importasyon ng mga karatig na bansa. Salamat sa akin, hindi epektibo ang proyektong pambaha dulot ng pandadaluyong ng mapaminsalang bagyo, tuluyang nilunod ang pangarap ng ating bansa.


Nilustay ko ang pera niyo, ang mga buwis, makapagbakasyon lang sa ibang nasyon. Tinago ko ang ilan para hindi masyadong halata dahil nakakahiya. Subalit makapal ang mukha at apog kong tumakbo muli, dahil mahal ko ang ating bansa. Mahal ko ang mga Pilipinong pumupuno sa maluwag kong mga bulsa.


Marami akong kasalanan sa inyo, pero baka abutin kayo ng 11 araw matapos lang mabasa ito. Pero isa lang ang nais ko, humingi ng pasensiya sa mga nagawa ko sa Pilipinas. Patawad dahil imbes na usisain ko ang burukrasya, tila naging alipin ako ng kapwa ko politiko. Patawad dahil mas pinili kong manilbihan para sa pansariling interes imbes na bayan. Patawad dahil wala akong galang, mataas ang ihi, at iresponsable.


At ngayong alam niyo na ang kasalanan ko, sana hindi niyo na ako muling iluklok sa puwesto. Huwag na sanang magpauto muli sa mga pangako dahil ang mga taong katulad ko, hindi mauubusan ng kasinungalingan. Habulin sana ako ng pangil ng batas at pagbayaran ang lahat ng mga kasalanan ko.


Nanumpa ako sa bayang maglilingkod ako pero niloko ko lang kayo, kaya patawad.



Nagmamahal,

Mandarambong


Sawa na ang mga Pilipino sa mga pangako. Hindi nila kailangan ng mga ideya dahil hindi naman ito nakapanlalaman ng tiyan. Gayunpaman, hindi mahirap humingi ng tawad, at least sa email o papel. Mas madali pa nga ito kaysa magtago sa ibang bansa upang takasan ang mga pagkakamali. Pero hindi porque may eksenang “I am sorry.” sa telebisyon, okay na? Samahan sana ng pananagutan at pagbawi nang tuluyang maghilom ang mga pusong niloko na, ninakawan pa.


Ito na ang apology letter na “closure” sana para sa mga Pilipino, pero baka dahil patuloy natin silang niluluklok, inaakala siguro nilang walang mali sa kanilang ginagawa. Kung patuloy na hahayaang gawin nila tayong tauhan sa chessboard, walang ‘sorry’ ang tatapal sa mga sugat na naiwan. Kaya sa susunod na SONA, wala na kaming ibang aasahan kundi ang katagang ‘patawad’.

Comments


bottom of page